STCAA NOON, RSC NGAYON CALABARZON PA RIN SA HABANG PANAHON

On February 15, 2018, Posted by , In News, With Comments Off on STCAA NOON, RSC NGAYON CALABARZON PA RIN SA HABANG PANAHON

“Ah! STCAA yan!” ang buong-pagmamalaking sagot ng isang lalaki sa kaniyang kausap sa tanong nito kung para saan ang parada na kasalukuyan nilang nasasaksihan.

Habang napapalamutian ang Dagatan Boulevard sa Sampaloc Lake ng pula, puti, asul, at berde dahil sa makukulay na kasuotan ng mga atleta, gurong tagasanay, at opisyal ng limang probinsyang kalahok sa taunang palarong panlalawigan, makikita ang interes sa mata ng mga mga San Pablenong regular nang nagtutungo sa nasabing lawa upang mag-jogging. Bago sa kanila ang mga ganitong klaseng eksena subalit hindi maikakailang  alam nilang ang tawag sa kaganapang ito ay STCAA.

Pero bakit saan ka man pumaling— sa uniporme ng mga manlalaro, sa mga tshirts na inilalako, at sa mga merchandise na inaalok sa mga nagsidalo sa parada, RSC ang mababasa at hindi STCAA?

Ang Southern Tagalog CALABARZON Athletic Association o STCAA Meet na kilala na bilang Regional Sports Competition o RSC mula pa noong taong 2014 ay ang paghaharap-harap ng dalawampung dibisyon ng Rehiyon IV-A upang mapili ang mga manlalarong ipapadala sa Palarong Pambansa. Sa taong ito— 2018, ang mga dibisyong ito na kumakatawan sa buong rehiyon ay pinagsama-sama ayon sa kanilang lalawigan— Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon. Ang limang probinsyang ito ang magsisilbing limang team na maglalaban-laban para sa kampeonato.

“Sa kadahilanang iisa lang naman ang humahawak at upang maiwasan ang paggugol ng mas mahabang panahon sa pagsasagawa ng palaro kung kaya napagdesisyunan na pagsabayin ang regular at special games pati na rin ang ALS,” ayon kay Pacita Q. Lungcay, Regional Education Program Supervisor para sa Quality Assurance Division ng CALABARZON.

Ito ang unang taon ng implementasyon ng pagbabagong ito sa pagsala ng mga manlalarong ipapadala sa Palarong Pambansa na iniatas ng mga panrehiyong opisyal ng Kagawaran ng Edukasyon sa pangunguna ni Regional Director San Antonio. Ito ay upang mapabilis ang pagkuha ng resulta at mas mapaikli ang panahong gugugulin sa pagsasagawa ng palaro. Bunga rin ng pagbabagong ito ang pag-unti ng delegasyong daragsa sa lungsod o probinsya na magiging host ng kaganapan.

Naiba man ang katawagan pati na rin ang estilo ng palaro ngayon kumpara sa mga nagdaang taon, hindi pa rin mapasusubalian na parehong katangian at pagpapahalaga ang layon nitong matutunan ng mga kabataang atleta. Ito ay ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa kabila ng pagnanasa na maging kampeon sa iba’t ibang larangan. Ang makarating sa tuktok nang may kasiyahan sapagkat nakalikha ng mga kaibigan mula sa mga sinalihang laro at laban.

Hindi na tuluyang maaalis sa isipan ng karamihan ang akronim na STCAA habang tinatanggap ang pagbabago sa katawagan nito bilang RSC sapagkat ayon nga kay REPS Lungcay, ang konsepto nito ay dala-dala pa rin ng mga magiging manlalarong kakatawan sa Palarong Pambansa.

Sa kabila ng lahat ng ito, STCAA man o RSC ang itawag ng mga tao, sa puso at diwa natin, iisa lamang ang ating hiling— ang makapagpadala ang rehiyon ng CALABARZON ng isang delegasyon na gagalaw at maglalaro sa iisang layunin, iisang mithiin, nakabigkis bilang isang team at magwawagayway ng ating bandera sa Palarong Pambansa na nakaangkla sa tema ng RSC 2018. (Jonah C. Espinosa, San Pablo City National High School,  Division of San Pablo City)

Source: Calabarzon: The Heroes ( The Official Publication of the 2018 Regional Sports Competitions)

Comments are closed.